Hon. Mayor Russel Abonado delivering his speech
By: Williamor Magbanua
Modernong Public Market ng Mlang inaasahang matatapos sa Disyembre ayon sa alkalde ng bayan.
PINULONG ni Mayor Atty. Russel Abonado ang mga negosyante na apektado ng nagpapatuloy na konstruksiyon ng bagong mega market ng bayan upang ipaalam sa kanila ang pansamantalang paglilipat ng kanilang mga puwesto.
Ipinaliwanag ni Abonado na kailangang lisanin muna ng mga vegetable, meat, fish at grocery sections ang kasalukuyan nilang nirerentahang puwesto upamng bigyang daan ang full swing na pagpapatayo ng makabagong pamilihang bayan.
Nilinaw ng alkalde na normal na may maaapektuhan kapag ipinapatupad ang isang development pero pansamantala lang naman daw ito sa loob ng apat na buwan.
Ipapagamit muna ng lokal na pamahalaan ng Mlang para sa may isangdaang mga vendors na apektado ang lumang terminal, bagsakan maging ang kahabaan ng Gauran Street para doon muna sila magtatayo ng pansamantalang mga stalls.
Maglalagay din ng mga market guards sa nabanggit na mga lugar upang proteksiyon ng mga negosyante laban sa mga masasamang loob lalo na sa dis oras ng gabi.
Phase-by-phase kasi ang pagtatayo ng mega market ng bayan na nagsimula nitong taong 2019 at inaasahang matatapos sa Disyembre ng taong kasalukuyan.
Ang makabagong mega market ng Mlang ay nagkakahalaga ng P110 million, ayon kay Mayor Abonado.
Umapila si Abonado sa mga vendors na unawain ang sitwasyon dahil ang ginagawa ng LGU ay para naman sa kanilang kapakanan at kaayusan naman ng merkado publiko.