Koleksyon ng buwis sa bayan ng Mlang sa huling kwarter ng 2019 lumampas sa target
By: Mlang News and Information Bureau
NALAMPASAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa bayan ng Mlang ang kanilang quota sa nakalipas na huling kwarter ng taong 2019.
Binigyan ng quota na nasa P11 milyon ang BIR, pero lumampas ang koleksiyon sa huling kwarter ng taon ng mahigit sa tatlongdaang libong piso.
Sa kabuoan, dapat sana ay makakolekta lang ng P11, 202, 000 pero sa kabuoan may nakolektang P11, 546, 809.03, may sobra itong P344, 809.03 o katumbas ng 3.08% na pagtaas ng tax collections.
Ang nasabing halaga ay mula sa mga bayad ng kumuha ng Business permits, Real Property Taxes at sa Individual tax Returns.
Bahagi ng koleksiyon ay mapupunta sa taunang Internal Revenue Allotment ng bayan ng Mlang, para maipatupad ang mga programa at proyekto ng nasabing bayan.
Pinuri naman ni Angelo C. Ibanez, Jr. ang Revenue Collection Officer 1 na nakatalaga sa Mlang ang maagap na pagbabayad ng mga mamamayan ng kanilang buwis.
Nagpaabot naman ng kanilang pagbati sa BIR at kay Mr. Ibanez sina Mayor Russel Abonado at Vice Mayor Joselito Pinol, dahil sa maayos nitong nagagampanan ang mandato na iniatang sa kanyang tanggapan.
Pinasalamatan din ng dalawang mga opisyal ang mga taxpayers at mga may ari ng negosyo, dahil sa kanilang katapatan at pagiging seryoso sa usapin ng pagbabayad ng kanilang mga taxes.