Covid-19 Provincial Molecular Laboratory pinasinayaan
M’lang Cotabato (October 14,2020)- Pinasinayaan ngayong araw ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato ang bagong provincial molecular laboratory at COVID-19 isolation hospital na matatagpuan sa M’lang District Hospital Annex, sa bayan ng M’lang, Cotabato.
Ang nasabing isolation hospital ay mayroong 26 bed capacity, sariling molecular laboratory, at mechanical ventilator na magagamit sa mga moderate at severe cases ng COVID-19.
Dumalo sa ginawang ceremonial cutting of ribbon si Department of Health (DOH) Regional Director Aristides Concepcion Tan na nagbigay ng katiyakang tutulong ang DOH sa mga kinakailangang ekwipo, skills training ng health workers at pagpapabilis ng akreditasyon ng nasabing isolation hospital.
Dagdag pa niya na maswerte ang probinsya ng Cotabato dahil mayroon itong sariling molecular laboratory na may kakayahang magproseso ng dalawang daang Real-time Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (rRT-PCR) test kada araw.
Sa mensaheng ipinaabot ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco sinabi nito na ang mga pagsubok na pinagdaanan ng lalawigan mula sa hagupit ng lindol at COVID-19 pandemic ang naging daan upang mas lalo pang tumibay ang paniniwala at katatagan ng mga CotabateÃąo.
“Hindi naging madali ang aking pagharap sa mga pagsubok at napatunayan kong sa pamamagitan ng pakikinig sa aking mga kasamahan at mga konstituwente ang nagbigay daan upang higit ko pang matutunan ang naaangkop na tugon at maitatag ang isang samahang may puso para sa kapwa, lalo’t higit sa mahihirap,” ayon pa sa punong lalawigan.
Pinasalamatan din ni Catamco ang Energy Development Corporation (EDC) na siyang nagbigay ng rRT-PCR testing machines sa provincial government.
Nanawagan naman si M’lang Mayor Russel Abonado sa mga CotabateÃąo na buksan ang isip at puso, iwasan ang deskriminasyon sa mga nagpopositibo sa virus sa halip ay magtulungan at sumunod sa mga palisiyang itinakda ng gobyerno.
Nakiisa rin sa aktibidad si 3rd District Congressman Jose I Tejada, COVID-19 Task Force Incident Commander BM Philbert Malaluan, EDC representative Fruylan Garcia, mga doktor ng district hospital at mga kawani ng probinsya.//pgo-idcd//