Pag proseso ng Business One Stop Shop (BOSS) sa bayan ng Mlang, extended!
By: Mlang News and Information Bureau
PINALAWIG pa ng sampung araw ang Business One Stop Shop sa bayan ng Mlang dahil sa dami parin ng mga kliyente na nagre-renew ng kanilang mga business permits at kumukuha ng prankisa.
Sa bisa ng Executive Order No. 03, na pinirmahan ni Mayor Russel Abonado, pinalawig hanggang sa January 31 ang huling araw ng pag preseso ng mga transaksiyon hinggil sa renewal at pagkuha ng bagong business permits, maging ng prankisa ng mga tricycle.
Pagtupad ito sa itinadhana ng batas at regulasyon upang masilbihan ng mahusay at maayos ang mga negosyante na kumuha ng business licenses, upang maging legal ang kanilang negosyo.
Pero dahil hindi sapat ang dalawampung araw, kailangan dagdagan ito ng sampu pang mga araw upang walang negosyante na mapag iwanan at lahat ay maserbisyuhan nang naaayon sa batas.
Pinayuhan ng alkalde ang lahat ng mga ahensiya na ipagpatuloy ang kanilang sinimulang trabaho at tiyakin na nasusunod ang takdang oras sa pag release ng mga business licenses upang iwas abala ang mga negosyante.
Nasa average na walumpong mga business licenses lang ang naipo-proseso ng BOSS sa loob ng isang araw, dependi narin sa bilis ng transaksiyon at signal ng internet.
Tinatayang nasa kulang kulang sa isanglibo pa lamang ang nabigyan ng business permits simula nang buksan ang BOSS nitong January 6. Marami padin ang nagkukumahog na makahabol upang makakuha nito, kaya mas kailangan na palawigin pa hanggang sa katapusan ang pag proseso nito, ayon pa kay Mayor Abonado.